Thursday, April 12, 2007

alter-ego

Tangina naman e. Sinabi ko naman kasi sa'yo. Ayan ka na naman, bumabalik ka na naman sa dati. Ewan ko ba naman kasi sa'yo, sinabi na kasi sayo dati ng nanay mo na tumapak ka lang sa lupa, eh ewan ko ba naman sa'yo kung bakit kung ano-ano ang pumapasok dyan sa utak mo. Hindi ka na naman kumain kagabi. Bakit ba kasi lagi ka na lang ganyan! Eh wala naman silang alam. Lagi mo kasing inaakala na alam nila ang lahat. Eh hindi nga eh! Kaya wala ka nang magagawa, hindi nga nila makukuha ang gusto mong iparating sa hindi mo lang pag kain nang hapunan, tanghalian o hindi pag-kain kailan man. Hindi nila maiintindihan na hindi maganda ang naging takbo ng araw mo at pagod ka sa byahe. Parusa kamo? Parusa mo kamo ang hindi pag kain dahil sa mga katangahan na naman na ginawa mo? Pwede ba? Mag isip ka na lang ng ibang paraan. Alam ko basag ka ngayon, pero lagi na lang ba na ganyan ang gagawin mo sa sarili mo!!

Kabilin-bilinan ko naman kasi sa'yo, tama na eh. Masyado mo nang pinapahirapan ang sarili mo. Galingan mo naman kasi. Kaya mo naman eh, natatakot ka lang. Natatakot ka lang mag-kamali. Alalahanin mo, wala ka na sa dati mong mundo, tapos natatakot ka pa rin?! Iniisip mo kasi lagi na kahit anong pag pupursige ang gawin mo, e wala pa rin. Tangina naman! Ano ba? Tama na nga yan! Kaya mo yan, ano ba! Basta ulit-ulitin mo lang sa sarili mo na kaya mo. Lagi mo na lang kinakaawaan ang sarili mo, kaya lagi, ang akala mo, hindi mo kaya! Hindi ka ba napapagod! Ano ka ba?! Alam ko andyan lang yung dating ikaw. Natatakot ka lang! Gumagawa ka na naman ng sarili mong multo.

Ang tagal mong pinatibay pader mo. Pader na hindi naman kailangan. Ang hina mo naman kasi! Sa susunod kasi, hanggang tarangkahan na lang sila. Hayaan mo lang silang mag punas ng paa sa trapo, tapos hanggang dun lang sila sa pintuan. May pahanda-handa ka pang nalalaman dyan. Ayan, oo nga handa ka na. Handang-handa at sigurado ka na. Pero anong nangyari? Ewan ko ba naman kasi sa'yo. Alisin mo na kasi yang kung ano man 'yan. Sapat na yung nasabi mo sa kanya lahat, at nag-tiwala ka. Oo, alam ko, nagtitiwala ka na nga sa kanya ngayon ng buo, pero syempre, gwardyahan mo rin ang sarili mo. Hindi naman mali 'yon. Bugbog na ang puso mo buong buhay mo eh.

Kaya tama na ha. Maging masaya ka na lang para sa kanilang lahat. Hindi naman mahirap 'yun eh. Natuturuan naman ang sarili. Kasi kapag bumalik ka na naman sa dati, hindi talaga ako mag aatubiling sermonan ka ulit! Magsimula ka na ngayon. Mahalin mo naman ang sarili mo.

Huwag ka nang magalit sa sarili mo.

0 comments: