Tatlo sila. Oo, tatlo. Nakilala ko sila noong isang taon. Hindi ko rin akalain na magiging tatlo sila sa buhay ko.
Si Matt, ang pinaka kalog sa tatlo. Sa lahat ng oras na kasama ko sya, laging may naiiwang ngiti sa aking mukha. Laging masaya ang sandali pag humirit na sya ng kwento.
Si Kiko naman, mahilig tumula. Tahimik at parang laging malalim ang iniisip. Pero wag ka! Ilang sandali lang, nakakagawa na sya ng makabagbag damdamin at kakilig kilig na tula. Kaya nga ang paborito naming gawin ay gumawa ng dugtong-dugtong na mga linya ng aming mga damdamin at opinyon sa aking pulang notebook.
Mahilig namang tumugtog ng gitara si Red. Mula sa mga maiingay na kanta ng Slapshock hanggang sa mga makalaglag pangang mga love songs, kaya nyang tugtugin. Madalas nga niyang tugtugin ang paborito kong kanta na minsan ay kung maipilit ay pakakantahin ako kasabay nya.
Valentine's Day nang una ko silang nakilala. Si Matt, Kiko at Red ay miyembro ng isang banda na tumugtong sa Valentine's party sa aming unibersidad. Naalala ko pa kung paano nila ako kinantiyawan sa aking pag-sasalita bilang host ng party.
"Baduy pala ha...", sabi ko sa sarili ko.
Naalala ko pa noong una silang dumalaw sa bahay. Todo linis pa ako. Sinarapan ko pa ang luto kong sinigang na baboy para lang sa kanila.
"Mas masarap mag luto si Ann," pabirong sambit ni Matt. Pero tuloy pa rin ang pag kuha ng kanin at halos mag-lawa na ang pinggan sa dami ng sabaw. Maghapon silang naglalagi sa bahay at walang humpay na nakikinig ng mga tugtog sa dala nilang MP3. Maghapong nakaupo at pinagmamasdan ang bawat kilos ko na hindi nag papahalata pag sila ay naaliw sa pag hihintay kung ilang baso o pinggan ang aking mababasag.
Tuwing linggo, kumakain kami ng tapsilog sa paborito naming karinderiya ilang kanto lang layo sa mula sa simbahan. Masarap na sawsawang pinag-halong ketsup at toyo, solve na ang kain namin.
"Birthday ni Janet 'tol, ano ba ang magandang regalo?" tanong ni Kiko. Sabi ko naman, libro na lang kasi mahilig namang mag-basa si Janet.
Ako ata ang laging tsampiyon sa Scrabble!
Nakakunot ang mga noo nila. Hindi ko minsan malaman kung nag-iisip silan ng magandang tira o ako ang nasa isip nila sa panakaw na tingin na nahuhuli ko mula sa kanila.
"Over yan ha...", sabi ko nang biglang mag-ring ng malakas ang cell ni Red.
"Bye pa-cute, love you" ang malabing na sabi ni Red at sabay ngiti sa pag-tira ng GRACE sa scrabble.
Isang taon ng pag kakaibigan, isang taon na napatunayan kong sila'y andyan. Valentine's Day na naman. Isang taon na sila sa buhay ko.
Hindi man para sa akin ang mga tula ni Kiko, ang mga ngiti ni Matt at ang mga kanta ni Red, alam ko isa ako sa pinaka espesyal na babae sa buhay nila. Kasama kong iiyak, tatawa, kakain ng tapsilog at lagi kong matatalo sa scrabble (hehe). Alam ko mahal 'din ako...
ng tatlo kong boyfriend.
*published Feb 2004 Lifestyle section, The Manila East Watch
0 comments:
Post a Comment